Ang probinsya ng Catanduanes ay isa sa mga pangunahing producers ng abaca sa buong bansa. Kaya naman bilang pagkilala sa kahalagahan at ambag ng produktong ito sa ekonomiya ng probinsya, ipinatupad ang Provincial Ordinance No. 021 series of 2015 upang isagawa ang taunang pagdiriwang ng Catanduanes Abaca Festival tuwing ika-apat na lingo ng Mayo.
Ngayong taon, sa koordinasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) at Provincial Toursim Office (PTO), nagbukas ang Trade Fair para sa labing-isang munisipalidad ng Catanduanes upang maipakita ang mga lokal na produktong gawa sa abaca.
Pinasinayaan ng San Andres ang mga natatanging abaca handicrafts tulad ng mga doormat, rug, carpet, tsinelas, frame at iba pa. Ang mga ito ay nagmula sa mga malikhaing kamay ng Calolbon Handicraft Maker’s Association na pinangungunahan ng mag-asawang Vicente Samonte at Teresa Samonte ng Lictin, San Andres, Catanduanes.
Mabibili ang mga produkto sa halagang 250 hanggang 6,000 pesos depende sa disenyo at sukat ng produkto.
“Gagibo kami kaini bako sanang para magkita ning imo, gagibo kami as an art buda creativity.” Pahayag ni Gng. Samonte.
Hindi lamang sa mga Catandunganon patok ang mga produktong ito sapagkat inaangkat din nila ito sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Gusto ko yung weave ng Catanduanes.” Pahayag ng isang customer nilang taga-lungsod.
“Matibay, kainawat bago mauyag.” Pahayag ni Gng. Samonte.
Mahaba at mahirap ang proseso ng paggawa ng isang abaca handicraft. Inaabot ng mahigit isang araw ang ginugugol upang makalikha ng 4 square feet na doormat. Kaya naman ayon kay Gng. Samonte kinakailangang isapuso upang makalikha ng de-kalidad na produkto.
“Ta kung dai mo man isapuso, dai man magayon ang gibo mo.” Aniya.
Nais ng asosayon ni Gng. Samonte na ipasok sa kurikulum ng mga paaralan ang ganitong bokasyon upang mas makilala pa ang ganitong uri ng produkto at mas mapalaganap pa ito sa mga susunod pang henerasyon.
Patuloy nating tangkilin ang mga produktong Catandunganon. Patunayan natin ang “Tibay nin Abaca, Maogmang Isla.” Happy Catanduanes Abaca Festival 2017!


by: Emelda Soneja and Joal Cocjin (SPES 2017)